Bias ng NTC binira ng mobile phone firm

Babagsak ang kalidad ng mobile phone service sa Pilipinas kung hindi ipatutupad ng National Telecommunications Commission (NTC) nang walang kinikilingan ang service performance standards sa lahat ng telecommunications companies.

Ito ang posisyong inihayag kahapon ng Pilipino Telephone Corp. (Piltel) sa pormal na reklamong isinampa nito sa NTC laban sa di pagtupad ng Digital Mobile Philippines Inc, (Digitel) sa NTC standards na mahigpit namang sinusunod ng mga nangungunang mobile operators tulad ng Piltel at ng mother unit nitong Smart Communications Inc.

Ayon kay Rogelio Quevedo, Chief ng Legal & Carrier Business Group ng Piltel, hindi dapat na ipagwalang bahala ng NTC ang nakakadismayang connection rate ng Digitel ng 38 lamang sa bawat 100 na attempt sa pagtawag sa cellphone.

Nabatid na ang 38% connection rate ng Digitel sa brand name nitong Sun Cellular ay isang paglabag sa regulasyon ng NTC na dapat ay di bababa sa 93% ang successful call rate ng mga telco.

At kung marami mang subscribers ng Sun Cellular ang nagrereklamo ng kahirapan makakonek sa tinatawagan, ito’y dahil na rin sa nasabing 38% connection rate ng kumpanya. Batay na rin sa aktuwal na pagsusuri ay pinuputol ng Sun Cellular ang bawat tawag kada oras na lumalampas ng 15 minuto.

Hindi umano sumunod ang Sun Cellular sa service performance standards ng NTC.

Show comments