5 kidnaper/robber dedo sa shootout

Limang lalaking pinaniniwalaang miyembro ng kidnap-for-ransom syndicate at robbery holdup gang, kabilang ang isang corporal ng Army ang nasawi makaraang makipagpalitan ng putok ng baril sa mga kagawad ng pulisya na lumusob sa kanilang hideout, kahapon ng madaling-araw sa Tandang Sora, Quezon City.

Samantala, isa pang kasamahan ng mga ito ang nadakip din ng mga awtoridad.

Base sa inisyal na imbestigasyon, apat pa lamang sa limang nasawi ang nakikilala, ito ay sina Cpl. Pelayo Reyeras, sinasabing lider ng grupo; Jesus Mentes; Nicolas Gonzaga at Alladin Malinao, pawang umuupa sa Apartment-B Aurello sa Ramos Compound, Philand Drive, Brgy. Pasong Tamo ng nasabing lungsod.

Nakilala ang mga nadakip na si Michael Turion.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng madaling araw sa loob ng inuupahang apartment ng mga suspect.

Ayon kay CPD director Senior Supt. Nicasio Radovan, nakatanggap sila ng impormasyon na may grupo ng mga lalaking nakatira sa naturang apartment na may kahina-hinalang kilos.

Inihanda ang operasyon laban sa mga suspect subalit bago pa man makalapit ang pulisya sa sinasabing kuta ng mga suspect ay sinalubong na sila nang pagpapaputok ng baril.

Napilitang gumanti ng putok ang mga awtoridad at tumagal ng may 20 minuto ang shootout hanggang sa makitang nakabulagta na ang limang suspect sa ground floor ng kanilang tinitirhan.

Sina Mentes at Malinao na sinasabing miyembro ng ‘Sudoy-Sudoy Gang’ at ‘Abuyog Gang’ ay natuklasang mga pugante sa isang provincial jail sa Bulacan.

Ang dalawa ang siyang itinakas ng kanilang mga kasamahan noong nakalipas na buwan habang pabalik sa kulungan mula sa pagdinig sa kaso sa QC Regional Trial Court sa kasong robbery.

Narekober sa lugar ang dalawang motorsiklo, kotseng Lancer, dalawang cal. 45, isang 38 revolver at isang 22 cal.

Binanggit pa ng pulisya na ang mga nasawi ay sinasabing responsable sa serye ng bank at armor van holdup sa Quezon City noong 2002 at sa jewelry store sa Meycauayan, Bulacan.(Ulat ni Doris Franche)

Show comments