Ayon kay Rachelle Naciongayo, Community Environmental and Natural Resources Office (CENRO) Chief sa kanilang inisyal na imbestigasyon, lumalabas na ang LMG Chemical Corp. ang siyang responsable sa naganap na pagkalat ng masangsang na amoy nang mag-leak ang pinaglalagyan ng sulfur dioxide, isa sa mga kemikal na sangkap sa paggawa ng red battery.
Dagdag pa ni Naciongayo, dalawang linggo na ang lumipas ay nagkaroon na rin ng gas leak ang nasabing pabrika subalit naagapan ito ng mga tauhan ng nasabing planta kaya hindi ito masyadong nakaapekto.
Matatandaang sumingaw ang nasabing kemikal dakong alas-7 ng umaga kamakalawa kung saan naapektuhan ang kalapit na lugar, kasama ang dalawang eskuwelahan at naging dahilan upang isugod sa ibat ibang pagamutan ang may 36 na estudyante na pawang nag-aaral sa San Joaquin Elementary School.
Ang ibang estudyante naman ay agad na nalapatan ng kaukulang lunas kaya iniuwi na lang ito sa kani-kanilang bahay.Dahil sa insidente ay napilitang suspindihin ng pamunuan ng San Joaquin at Kalawaan Elementary School ang klase sa araw na iyon. (Ulat ni Edwin Balasa)