P 30 flagdown rate ng taxi isinulong

Nagsasagawa na ngayon ng pagdinig ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa P30 na hinihiling na flag down rate ng mga operators ng mga taxi.

Ayon kay LTFRB Chairman Elena Bautista, nanghihingi umano ng karagdagang P5 ang mga operators ng mga taxi para sa kanilang flag down rate.

Sa ilalim umano ng karagdagang flag down rate, P2.50 ang sisingilin para sa susunod na 250 meters at 2.00 kada minuto naman para sa waiting time.

Ang nasabing kahilingan ay inihain ng mga taxi operators sa LTFRB dahil nahihirapan na umano ang mga ito lalo na sa pagtaas din ng mga pangunahing bilihin at produktong petrolyo.

Sa kasalukuyang fare ng mga taxi, ang flag down rate ay nasa P25 at P2.50 para sa susunod na 300 meters habang P2 naman ang waiting time kada dalawang minuto.

Patuloy namang pinag-aaralan din ng LTFRB ang hiling na ito upang mabatid kung reasonable ito habang inaasahan nilang sa susunod na buwan matatapos ang pagdinig sa naturang kahilingan. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments