Pulis na nakapatay sa 3 holdaper,uulani ng reward money

Bukod sa spot promotion na ibinigay ng Phil. National Police (PNP) ay nakatakda ring tumanggap ng reward money ang bayaning pulis na si SPO1 Charlito Corpuz na mag-isang nakipaglaban at nakapatay sa tatlong holdaper sa isang aircon bus noong Sabado ng gabi sa Mandaluyong City.

Bukod sa ipinangakong P100,000 mula kay PNP chief Director Gen. Hermogenes Ebdane Jr. na iaabot kay Corpuz anumang araw ay napag-alaman din na magbibigay ng pabuya si Mandaluyong City Mayor Neptali Gonzales subalit hindi pa batid kung magkano ang ibibigay nitong reward money.

Magugunitang buong tapang na nakipagbarilan at napatay ni Corpuz ng Police Community Precint 1 ng Mandaluyong Police ang tatlong holdaper nang holdapin nila ang JMK-JOJO aircon bus na may plakang TVN-562 sa kahabaan ng EDSA Shaw Boulevard dakong alas-9:30 ng gabi noong Sabado.

Nagtamo ng tama ng bala sa kanang kamay si Corpuz at ngayon ay nagpapagaling sa Victor Ponciano Gen. Hospital sa nasabing lungsod. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments