Magkapatid na paslit kinidnap ng amain

Kinidnap ng kanilang stepfather ang isang magkapatid na paslit kapalit ng kahilingan nito sa ina ng mga biktima na kanyang live-in partner na nasa Japan na padalhan siya ng sustento upang palayain ang dalawang bata, kahapon sa Makati City.

Hanggang sa ngayon ay hindi pa nare-rescue ng pulisya ang mga biktima na sina Christian Snow Guingoyon, 5; at ang kapatid nitong si Chrizia, 4, kapwa naninirahan sa Cailles St., Brgy. Bangkal, Makati City.

Nahaharap naman sa kasong kidnapping at pinaghahanap ng pulisya ang suspect na si Ernesto Parinas, ng #5578 J. Luna St. Zone 11, Brgy. 125, Pasay City.

Sa reklamo kahapon ni Mariano Guingoyon Jr., 27, tiyuhin ng mga biktima, naganap ang pangingidnap noong nakalipas na Hunyo 10 dakong alas-3 ng hapon sa tinitirahang apartment ng mga biktima sa Brgy. Bangkal sa nabanggit na lungsod.

Ipinagtapat pa ni Mariano na ang suspect ay live-in partner ng kanyang kapatid na nagtungo sa Japan.

Kinidnap umano nito ang mga bata para puwersahin ang kanyang kapatid na padalhan ang suspect ng sustento.

Hindi naman binanggit ng suspect kung nasaan siya at ang mga bata.

Patuloy ang isinasagawang pagtugis sa suspect para masagip ang mga batang kinidnap nito. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments