Sa kasong breach of contract and damages, hiniling ng Forever Flawless sa pamamagitan ng corporate secretary nito na si Mariebel Sto. Domingo sa korte na atasan si Roces na magbayad ng P3-milyon para sa liquidated damages; P500,000 para sa attorneys fees at P200,000 para sa litigation expenses.
Batay sa rekord, si Roces na ang tunay na pangalan ay Jennifer Molina ay dating stockholder ng Forever Flawless na mayroong 2,500 shares ng stock.
Si Roces ay binigyan ng shares kapalit ng pag-eendorso at pagpo-promote nito ng mga serbisyo at produkto ng Flawless.
Subalit noong Disyembre 2003 pumirma si Roces ng Deed of Sale ng Shares of Stock matapos na ibenta ang kanyang shares sa halagang P1.5 milyon.
Kabilang sa mga kondisyon na pinirmahan sa Deed of Sale ay hindi dapat siraan ang naturang kompanya pati na rin ang mga stockholders at mga opisyal nito. Nakasaad pa sa probisyon na kapag nilabag ito ng aktres kailangan siyang magbayad ng P1-milyon sa bawat paninira sa kompanya.
Sinabi ni Domingo na nilabag ni Roces ang naturang kondisyon sa kontrata matapos na siraan ang kompanya pati na rin ang mga opisyal nito, kabilang si Dra. Belo. (Ulat ni Doris Franche)