Ayon sa pulisya umaabot sa P20,000 hanggang P30,000 ang nakuha ng mga holdaper.
Nakilala ang sugatang suspect na si Jesus Acido Jr., 30 ng Ampil St., Sta. Mesa Manila. Inamin nito na kasama siya sa naganap na panghoholdap.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, isang sibilyan ang tumawag sa pulisya at iniulat ang nasaksihan niyang holdapan na naganap dakong alas-11:45 ng tanghali sa sangay ng SeaOil sa nabanggit na lugar sa may EDSA.
Dalawang sasakyan ang umanoy ginamit ng mga suspect na sinundan pa rin ng witness hanggang sa lumiko ang mga ito sa may Sct. Albano na doon nagpalit ng plaka ng kanilang sasakyan ang mga holdaper.
Dahil sa impormasyon agad na nasundan ng mga awtoridad ang mga suspect hanggang sa magkaroon ng habulan at pagpapalitan ng putok na umabot sa may Ernesto Rondon High School sa Road 3 sa Project 6 na dito tinamaan ang isa sa mga suspect.
Iniwan ng mga holdaper ang itim na sasakyan sa may Mindanao Avenue at tuluyang tumakas kung saan ibinaba pa ng mga ito ang sugatan nilang kasamahan sa may East Avenue Medical Center.
Nakuha sa loob ng sasakyan ang ibat-ibang plaka ng sasakyan, M203, M-16 at M-14 rifle, shotgun at granada. (Ulat ni Doris Franche)