P58-M pekeng spare parts ng Honda winasak

Umaabot sa kabuuang P58-M halaga ng mga pekeng spare parts ng Honda cars at motorcycle na nasamsam ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang winasak sa tanggapan ng Honda Philippines, Inc. sa Parañaque City kahapon ng umaga.

Sa isinagawang simpleng seremonya sa tanggapan ng Honda Philippines, Inc. na matatagpuan sa KM17, East Service Road, South Superhighway ng lungsod, umaabot sa 233,000 piraso ng pinekeng motorcycle at car spare parts na may logo ng Honda ang pinagulungan ng pison. Ang pagwasak sa nasabing halaga ng mga pekeng spare parts ay sinaksihan ng mga opisyal at empleyado ng Honda gayundin ng mga kinatawan ng PNP-CIDG Office of Business Concern Division.

Nabatid kay Mr. Arnel Doria, Deputy for Marketing ng Honda Philippines, Inc. simula ng taong 2002 nagsimula na silang magsagawa ng surveillance kaugnay sa mga ibinebentang pekeng spare parts.

Sinabi naman ni PNP-CIDG P/Sr. Insp. Arnold Pajamo ng PNP-CIDG Anti-Organized Crime and Business Division, nagsimula silang magsagawa ng raid sa mga establisimiyentong nagbebenta ng pekeng Honda spare parts noong Disyembre 2003 hanggang sa kasalukuyan.

Ayon pa kay Pajamo, ang serye ng raid ay isinagawa sa Manila at Quezon City kung saan ay 11 tindahan kaagad ang kanilang nahulihan ng pekeng spare parts habang nadiskubre rin nila ang pagawaan ng naturang spare parts sa Bulacan. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments