Lola, helper ginilitan ng mga maninikwat

Kapwa ginilitan sa leeg ng hindi pa nakikilalang mga magnanakaw ang isang lola at kanyang helper kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Elizabeth Teczon, 67 at helper na si Emenano Comeda, 16, kapwa nakatira sa 2516 Bato St. Tondo ng nasabi ding lungsod.

Sa ulat ng WPD-Homicide Division, nadiskubre ang bangkay ng mag-amo dakong alas-11:30 ng gabi ng pamangkin ni Teczon na si Sheena Aubrey Dalton na dadalaw sana dito.

Laking gulat na lamang niya nang makitang magulo ang bahay at nakabagsak ang lahat ng gamit ng biktima.

Pinasok niya ang kuwarto ng tiyahin at nakita niyang naliligo na ito sa sariling dugo.

Agad na tumawag ng pulis si Dalton kung saan nakita naman ng mga WPD operatives ang bangkay ni Comeda.

Posibleng pagnanakaw ang motibo ng insidente kung saan nanlaban ang mga biktima hanggang sa tuluyan na itong patayin ng mga suspect. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments