Rape-slay victim natagpuan sa ilog

Isang naaagnas na bangkay ng hindi pa nakikilalang babae na hinihinalang biktima ng rape-slay ang natagpuang nakalutang sa isang ilog, kamakalawa ng tanghali sa San Juan, Metro Manila.

Ang biktima ay tinatayang nasa edad na 19 hanggang 21-anyos, mahaba ang buhok, may taas na 5’2 talampakan, kayumanggi at balingkinitan ang pangangatawan.

Batay sa ulat ng pulisya, natagpuan ang bangkay dakong alas-12:30 ng tanghali sa kahabaan ng Pasadena Creek sa Barangay Pasadena ng binanggit na bayan.

Nabatid na isang nagngangalang Menandro Saromenes, 25, ang nakapansin sa biktima habang inaanod ito ng tubig.

Agad na iniahon ng SOCO team ang bangkay ng biktima sa ilog na pinaniniwalaang biktima ng rape-slay.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya para sa agarang pagkakakilanlan sa biktima. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments