3 karnaper patay sa shootout

Tatlong pinaniniwalaang karnaper ang napatay matapos ang running-gun battle sa pagitan ng mga suspect at ng mga tauhan ng Traffic Management Group (TMG) kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Isa pa lamang sa mga napatay na suspect ang nakikilala sa pamamagitan ng identification card na nakuha dito at ito ay si Orlando Alera na may tattoo na GL sa kamay. Nasamsam sa mga suspect ang tatlong .38 cal. revolver.

Sa pagsisiyasat ng Central Police District-Criminal Investigation Unit (CPD-CIU), naganap ang insidente dakong alas-2:30 ng madaling araw sa panulukan ng Katipunan Avenue at Batino St., Duyan-Duyan ng nabanggit na lungsod.

Sakay ang mga suspect sa isang kulay puting taxi na may plakang PVR-798 nang sitahin at pahintuin ng mga awtoridad sa tapat ng Globe Telecom sa Marikina.

Binalewala ng mga suspect ang mga awtoridad hanggang sa magkaroon ng habulan na umabot hanggang sa Aurora Boulevard.

Agad na pinaputukan ng mga suspect ang mga pulis na naging dahilan upang gumanti ang grupo ng huli.

Tinamaan ang mga suspect at agad na nasawi.

Ayon kay TMG Assistant Director for Intelligence Chief Inspector Lorenzo Jolanday, positibong kinarnap ng mga suspect mula sa driver na si Luisito Sta. Maria ang ginamit na taxi kamakalawa ng umaga sa Kamuning, Quezon City.

Ayon naman kay NCRPO chief Director Ricardo de Leon, masusi nilang iniimbestigahan ang kaso kung may kinalaman ang mga suspect sa pagpapasabog sa dating tanggapan ng Petron sa Makati matapos na ihayag ng mga testigo na sakay sa isang puting taxi ang naghagis ng granada sa naturang gusali.

Nakalagak sa Prudential Funeral Parlor sa Sampaloc, Maynila ang labi ng mga suspect. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments