3 rapist nakaligtas sa bitay

Dalawang ama at isang pedicab driver ang iniligtas ng Korte Suprema mula sa parusang bitay matapos na ibaba sa reclusion perpetua ang kanilang mga hatol.

Sa tatlong magkakahiwalay na desisyon ay binago ng Mataas na Hukuman ang mga naunang pasya ng Mababang Hukuman na patawan ng parusang kamatayan sina Rogelio Layugan, Pascual Balbarona at Henry Jusayan.

Iginiit ng Mataas na Hukuman na nagkamali ang Cauayan, Isabela Regional Trial Court nang hatulan ito ng parusang bitay gayong hindi napatunayan na isang menor-de-edad pa ang anak ng akusado nang maganap ang panggagahasa.

Bagamat napatunayan na limang beses na ginahasa ni Layugan ang kanyang anak, iginiit ng Mataas na Hukuman na mahalagang ma-establisa ang minority ng biktima at relasyon nito sa akusado bukod pa dito nabigo ang prosecution na magsumite ng dokumentary evidence upang patunayan ang edad ng biktima.

Ibinaba din ng Mataas na Hukuman sa habambuhay na pagkabilanggo ang hatol ng Lanao Del Norte RTC at iginiit na simpleng rape lamang ang kaso ni Balbarona na hindi naman bitay ang katapat na parusa.

Samantala, bagamat pinagtibay ang desisyon ng Dinalupihan, Bataan RTC sa kasong statutory rape ng pedicab driver na si Jusayan, nilinaw naman ng Korte Suprema na nagkamali ito sa pagpataw ng pinakamabigat na parusa sa akusado.

Binigyang-diin ng Mataas na Hukuman na alinsunod sa Article 266-B ng revised Penal Code, ipapataw lamang ang death penalty kung mapapatunayan na ang biktima ay menor-de-edad at ang relasyon nito sa akusado ay hanggang third civil degree.

Bagamat na-establisa ang edad ng biktima na 10-anyos lamang, hindi naman napatunayan ang relasyon nito kay Jusayan. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments