Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-11 ng gabi nang makarinig ng pagsabog, naging dahilan upang maglabasan at magsipanakbuhan ang mga tao roon.
Ayon sa mga saksi, sakay umano sa isang humaharurot na taxi na walang plaka ang suspect na naghagis ng pill-box sa astrodome at pagkatapos ay mabilis na itong tumakas.
Naganap umano ang pagsabog mismong malapit sa isinasagawang bilangan at mabuti na lamang at walang nasugatan o nasawi sa insidente.
Inaalam pa ng pulisya kung konektado sa naganap na eleksyon ang naturang pagpapasabog o ito ay gawa lamang ng mga taong nais samantalahin ang pagkakataon na takutin ang mga mamamayan.
Samantala, nabulabog din ang isinasagawang canvassing of votes sa Caloocan City matapos na magkainitan ang mga supporters ng magkakalabang kandidato na nauwi sa pagpapaputok ng baril ng mga awtoridad, kamakalawa ng gabi sa nasabing lungsod.
Sa nakalap na impormasyon, dakong alas-9 ng gabi nang tangkaing pasukin ng mga supporters ni dating Mayor Macario Asistio Jr. ang ikalawang palapag ng city hall kung saan naroon ang mga taga-suporta ng mga kalabang kandidato.
Dahil dito, napilitang magpaputok ng baril ang mga tauhan ng Caloocan City police at Phil. Marines upang mapahinto ang napipintong pagsasalpukan ng mga supporter.
Pansamantala ring naantala ang isinasagawang canvassing ng Comelec kung saan patuloy pa ring nangunguna si KNP Enrico "Recom" Echiverri.
Makalipas ang ilang minuto ay dumating naman si Asistio sa city hall at kinuwestiyon ang mga awtoridad sa ginawang pagpapaputok ng baril na naging dahilan din upang masaktan ang ilang supporters dahil sa takot.
Nagbanta pa si Asistio na hindi siya aalis sa city hall kung saan isinasagawa ang canvassing hanggang hindi humaharap sa kanya si Caloocan City Police chief Senior Supt. Benjardi Mantele at election officer Atty. Jovencio Balanquit upang magpaliwanag.
Nakatikim din ng sermon ang mga tauhan ng pulisya at Marines kay incumbent Caloocan City Mayor Reynaldo Malonzo sa ginawang pagpapaputok ng mga ito ng baril. (Ulat nina Lordeth Bonilla at Rose Tamayo)