Commercial photographer dinedo ni misis

Pinatay sa saksak ang isang commercial photographer ng kanyang misis at ng kasama nitong hindi pa nakikilalang lalake, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Namatay noon din ang biktimang si John Rey Aclaracion, 22, sanhi ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Mabilis namang tumakas ang suspect na misis na si Joan Aclaracion, 19, asawa ng biktima at ang hindi pa nakikilalang kasama nitong lalake.

Base sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-3:30 ng madaling-araw sa loob ng unit na inuupahang kuwarto ng biktima sa isang apartment sa Dolores St., Pasay City.

Ayon sa isang testigong tenant din sa apartment, bago naganap ang krimen ay nakita nito na dumating ang mga suspect at nagtungo sa kuwarto ng biktima.

Ilang sandali pa ay nakarinig na siya ng komosyon sa loob ng kuwarto kasunod nito ay nakita niyang nagmamadaling lumabas ang mga suspect na may bahid ng dugo sa mga kamay.

Mabilis na tinungo ng testigo ang kuwarto ng biktima at doon nga tumambad sa kanya ang duguang katawan ni John Rey.

Nabatid na halos dalawang buwan ng hiwalay ang mag-asawa dahil madalas na pagbuhatan ng kamay ng biktima ang kanyang misis at ang kanilang nag-iisang anak.

Gayunman, patuloy pa rin ang isinasagawang pagsisiyasat ng pulisya sa insidente. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments