Nadagdag sa listahan ng mga nasakote sina Inspector Ver Pascual, ng Anti-illegal Drugs Special Operations Task Force ng EPD at mga traffic enforcers na sina Menandro Olpindo, 44; Rolando Rivera, 40; Rizalde Olino, 36; Antonio Loreno, 27 at Reynaldo Viray, 35.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 54 na pulis at mga traffic enforcer ang nasakote mula nang simulan ni NCRPO chief Director Ricardo de Leon ang kampanya laban sa mga kotongerong pulis noong nakalipas na Disyembre.
Si Pascual ay naaresto dakong alas-3 ng hapon sa parking lot ng isang shopping center sa Mandaluyong City makaraang tanggapin ang P40,000 kapalit ng isang Nissan Cefiro na kanyang kinumpiska sa tatlong pinaghihinalaang pusher noong Abril 15.
Sumunod na dinakip sina Olpindo at Rivera ng MMDA dahil sa paghingi ng P700 sa driver na si Gerardo Aguilar, 45.
Samantalang sina Olino, Loreno at Viray ay nasakote makaraang hingan ng P100 ang CISU operative na si SPO3 Danilo Anselmo sa kanto ng M.H.del Pilar at Pedro Gil Sts., sa Ermita Manila dahil sa isang traffic violation. (Ulat ni Edwin Balasa)