Nakakulong ngayon sa Caloocan City Police detention cell ang mga suspect na sina Tony Ong Chua, alyas Kimpee, 23, ng #340 Ongpin St., Binondo, Maynila at Rose Ann Candor, 23, negosyante ng Tomas Mapua St., Sta. Cruz, Manila.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-9 ng gabi nang dakpin ng pulisya ang mga suspect sa loob ng Hap Tian Restaurant na nasa kahabaan ng EDSA sa Caloocan.
Nabatid na bago ang nasabing operasyon, isang mapagkakatiwalaang impormante ng pulisya ang nagsabi hinggil sa malakihang transaksyon ng ipinagbabawal na droga sa loob ng nasabing establisimiyento dahilan para magsagawa ang mga ito ng kaukulang hakbang kung saan isang PO1 Jeffrey Pacis ang nagsilbing poseur-buyer.
Nakumpiska sa mag-live-in ang isang ice bag na naglalaman ng 595.42 gramo ng shabu.
Ang mga naaresto ay kasalukuyang napapasailalim sa masusing interogasyon upang matukoy kung sino ang supplier ng mga ito. (Jo Cagande)