Ateneo de Manila nakuha ang una at ikalawang puwesto sa 2003 Bar exams

Lumabas na ang resulta ng 2003 Bar examinations kung saan umabot lamang sa 20.71 percent o 1,108 sa kabuuang 5,349 kumuha ng eksaminasyon ang nakapasa.

Nanguna pa rin ang Ateneo University sa puwesto.

Una at ikalawang puwesto sina Aeneas Eli Diaz sa score na 88.5310% at Harvey Lawrence Dychiao sa score na 87.5890%, kapwa ng Ateneo de Manila.

Inilabas ang resulta matapos ang isinagawang en banc session ng mga mahistrado ng SC kung saan hindi na nito pinayagan pang maitaas ang bilang ng mga nakapasa dahil nabahiran ng anomalya ang nagdaang examination.

Tinangka ng ilang SC justices na itaas ang bilang ng mga nakapasa ngunit hindi na ito nakalusot sa mayorya upang hindi umano lumitaw na nagkaroon ng pagluluwag ang SC en banc sa 2003 Bar exam.

Ang nasabing passing percentage ay mas mataas kumpara noong naging Bar chairman si Justice Jose Vitug na siya ring chairman ng 2003 Bar exam, noong 1997 kung saan umabot lamang sa mahigit na 17 percent ang passing percentage. Magugunita na umaabot lamang sa mahigit sa 19 percent ang passing percentage noong 2002 Bar exams na pinangunahan naman ni dating SC Justice at Bar chairman Vicente Mendoza. (Ulat nina Grace dela Cruz at Ludy Bermudo)

Show comments