Ina, 5-anyos na anak kinatay

Pinagsasaksak at saka ginilitan ang isang mag-ina bago pinagnakawan ng tatlong lalaki, kahapon ng madaling araw sa Las Piñas City.

Patay na nang matagpuan ang mag-ina na nakilalang sina Rassel Secuando, 22, at anak nitong babae na si Jessel, 5. Bukod sa tinadtad ng mga suspect ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mag-ina, kapwa nilaslas din ng mga suspect ang leeg ng mga ito.

Mabilis na nagsitakas ang mga salarin na pinaniniwalaang din bangag sa ipinagbabawal na gamot at pawang mga kapitbahay ng mag-ina. Isa rito ay kinilala sa alyas na Danny.

Sa inisyal na pagsisiyasat ni PO3 Teoson Rosarito, ng CID Las Piñas City Police, naganap ang krimen sa pagitan ng alas-3 hanggang alas-4 ng madaling-araw sa bahay ng mag-ina sa Block 16, Lot 8, Camia St. T.S Cruz Subdivision, Barangay Almanza 2 ng nabanggit na lungsod.

Nabatid na natuklasan ni Jerry Secuando, asawa at ama ng mga biktima na noon ay galing sa trabaho ang duguang bangkay ng kanyang mag-ina.

Gulo rin ang kanilang bahay kaya malakas ang paniwala ng pulisya na pagnanakaw ang pangunahing motibo sa krimen.

Napag-alaman pa na si Rassel ay may maliit na negosyo na nagpapautang ng pera sa ilang kapitbahay at kaibigan na nagigipit.

Nabatid na nawawala ang pera at ilang piraso ng alahas ng biktima.

Patuloy naman ang isinasagawang manhunt operation ng pulisya laban sa mga suspect. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments