Ayon kay Col. Joey Yuchongco, project manager ng Scanning Unit at national director ng Customs Police Division, ilan sa mga mamahaling television monitor na ginagamit sa pag-x-ray sa mga bagahe ng mga dumarating na pasahero sa airport ang hindi na pakikinabangan dahil sa pagkasira ng mga ito.
May mga importanteng dokumento at confidential tapes din ang nasira dahil sa pagkakabasa.
Nabatid na nagbara ang drainage ng lababo at kubeta ng Windows of the World, isang restoran na nasa ikatlong palapag ng airport at direktang tumulo sa silid ng Close Circuit Television (CCTV) sa arrival area.
Halos masuka at mahilo ang mga kawani ng CCTV dahil sa mabahong amoy ng tubig na umalingasaw hanggang sa labas na naamoy din ng mga airport employees at mga pasahero.
Nabalam ang operasyon ng Scanning Unit dahil hindi ma-x-ray ang mga bagahe ng mga pasahero ng tatlong flights na dumating sa airport at na-stranded din ang mga pasahero ng ilang oras dahil sa paghihintay ng kanilang mga bagahe.
Ito ang pangalawang pagkakataon na nagbaha sa CCTV dahil umano sa kapabayaan ng restoran at ng Manila International Airport Authority (MIAA).
"I have yet to talk to the owner, Mr. Simon Wong about the damage in our CCTV room. If he is willing to replace the damaged equipment, well and good. But if he refuses, then I have no other recourse but to sue him for negligence," ani Col. Yuchongco. (Ulat ni Lordeth Bonilla)