No.1 most wanted criminal sa Caloocan,patay sa shootout

Nabaril at napatay ng mga tauhan ng pulisya ang tinaguriang no. 1 most wanted criminal sa Caloocan City matapos ang isinagawang operasyon sa pinagkukutaan nito, kamakalawa ng hapon sa nabanggit na lungsod.

Nakilala ang nasawing wanted na si Rene Marcelo, alyas Kuwatog, bunga ng tinamong tama ng bala sa katawan.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang engkuwentro dakong alas-5:15 ng hapon sa Villa Angelica Subdivision, Sitio Gitna, Kaybiga ng nasabing lungsod.

Nauna rito, armado ng warrant of arrest ang mga awtoridad nang salakayin ang pinagkukutaan ni Marcelo at dito naaktuhan pa ito kasama ang walong iba pa na sumisinghot ng droga.

Nagtangka pang tumakas si Marcelo na nang makaakyat sa ikalawang palapag ng bahay ay kumuha ng baril at sinalubong ng paputok sa mga awtoridad.

Dahil dito, napilitan naman ang pulisya na gumanti ng pagpapaputok na naging dahilan ng pagkamatay ng no. 1 most wanted criminal sa lungsod. (Ulat ni Ricky Tulipat)

Show comments