8-anyos hinalay saka pinatay

Hubo’t hubad at wala ng buhay nang matagpuan ang isang 8-anyos na batang babae na pinaniniwalaang hinalay muna bago tuluyang pinatay, kahapon ng umaga sa Quezon City.

Ang panibagong biktima ng karumal-dumal na krimen ay si Lyamme Adries, grade 2 pupil ng Krus-na- Ligas at naninirahan sa Francis St., Krus na Ligas, Diliman Quezon City.

Samantala, inaresto naman ng pulisya ang isang pinsan nito na pinaghihinalaang sangkot sa pagpaslang sa paslit.

Ayon sa ulat ng Criminal Investigation Unit, ganap na alas-8 ng umaga nang matuklasan ang labi ng bata sa madamong lugar malapit sa Architecture Building sa UP Campus.

Nagtamo ito ng isang malalim na saksak sa katawan at binaunan pa ng isang pako ang dibdib nito at walang anumang saplot sa katawan. Pinaniniwalaang may walong oras nang patay ang bata nang ito ay matagpuan.

Binanggit pa sa ulat na kamakalawa pa ng gabi iniulat na nawawala ang biktimang si Lyamme.

Huli umano itong nakitang buhay dakong alas-10 ng gabi noong Miyerkules kasama ang pinsang si John, 15.

Si John ay dinakip ng pulisya at kasalukuyang sumasailalim sa masusing imbestigasyon.

Binanggit pa sa ulat na nakita rin ang mga damit at underwear ng bata na nakakalat sa paligid nito kaya malaki ang paniwala ng pulisya na hinalay muna ito bago pinaslang. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments