Nagpapakalat ng pekeng pera nasakote

Hindi akalain ng isang lalaki na ang kanyang pagiging babaero ang gagamitin ng kanyang kasintahan upang ibunyag ang kanyang modus operandi at kinabibilangang sindikato na gumagawa ng pekeng pera sa Caloocan City.

Kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng Northern Police District si Raymund Sta. Cruz, 27 ng Block 5, Lot 12, Bagumbong ng nasabi ding lungsod.

Si Sta. Cruz ay dinakip dakong alas-11 ng umaga sa harapan ng Madonna Hotel sa EDSA, Bagong Barrio C.C. makaraang isuplong ng kanyang kasintahan na si Olive Lim, 25, ng Pag-asa, Quezon City dahil sa umano’y pagiging babaero.

Pinuntahan ng mga pulis si Sta. Cruz sa nasabing hotel at hinintay ang paglabas nito kasama ang isang babae kung saan nakuha dito ang 46 piraso ng P1,000 bill at 188 piraso ng tig-P500 bill na pawang mga peke.

Nabatid sa pulisya na ang mga pekeng pera ay nanggaling pa sa isang sindikato sa Mindanao na kinaaaniban ni Sta. Cruz at nakatakda ng ipakalat sa Metro Manila at posibleng gamitin sa nalalapit na eleksiyon.

Isang Joel Muslim naman ang sinasabing nagdideliber ng mga pekeng pera kay Sta. Cruz tuwing linggo at binibigyan naman ng una ang suspect ng P300 sa bawat piraso ng P1,000 bill habang P150 naman sa bawat tig-P500 bill. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments