Tomboy kinatay sa tabi ng katipan

Limampung ulit na pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng isang hindi pa nakikilalang suspect ang isang 17-anyos na tomboy habang katabi ang menor-de-edad din nitong kasintahan, kahapon ng madaling araw sa Muntinlupa City.

Namatay noon din sa pinangyarihan ng krimen ang biktimang nakilalang si Melica Ismael. Tinadtad ito ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Mabilis namang tumakas ang hindi pa nakikilalang suspect matapos ang isinagawang krimen.

Sa report ng pulisya naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling-araw sa bahay ng biktima sa Arevalo Compound PNR Site Purok 3, Barangay Cupang, Muntinlupa City.

Ayon sa kasintahan ng nasawi na itinago sa pangalang Marina, 14, bago naganap ang insidente ay nag-inom pa sila ni Ismael kasama ang ilan pang kaibigan at pagkatapos ay magkatabi pa silang natulog.

Binanggit ni Marina na nagising na lamang siya nang may humalik sa kanyang labi at nakita ang hindi kilalang lalaki na nagsabing "gusto mong isunod kita dun," sabay ang turo kay Ismael.

Muli umano siyang hinalikan ng suspect bago tuluyang tumakas.

Nang buksan umano niya ang ilaw sa kuwarto ay doon tumambad sa kanya ang duguang si Ismael. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments