Tsinoy sabog ang mukha sa 3 holdaper

Isang Filipino-Chinese na babae ang nasawi makaraang barilin sa mukha ng isa sa tatlong holdaper sa loob ng bus kamakalawa ng umaga sa Sta. Mesa, Maynila.

Wala namang mapagkakakilanlan sa biktima maliban sa ito’y nasa edad na 20-24, may taas na 5’8’’ at nakasuot ng pantalon at blouse. Ito’y namatay ilang oras matapos na isugod sa Our Lady of Lourdes Hospital dahil sa tama ng bala ng hindi pa malamang kalibre ng baril.

Sa ulat ng WPD- Homicide Division, naganap ang insidente sa loob ng G-Liner Bus na may plakang TVM-620 dakong alas-8 ng umaga sa kahabaan ng Magsaysay Blvd. sa Sta. Mesa ng nabanggit na lungsod.

Pababa na ang biktima nang magdeklara ng holdap ang mga holdaper. Inutusan ng mga holdaper ang biktima na bumalik sa kanyanng upuan subalit ito ay binalewala ng huli at nagsisigaw.

Kasunod nito, agad na binaril ng isa sa mga suspect ang biktima sa mukha at kinuha ang dala nitong bag at pera.

Nagsasagawa naman ng follow-up operation ang mga pulis upang matukoy ang responsable sa panghoholdap at pagpatay sa Tsinoy. (Danilo Garcia)

Show comments