Apo ni Dolphy,tinaga

Isang 20-anyos na apo ng comedy king na si Dolphy ang tinaga at tinangkang patayin ng isang lalaki, kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Personal na naghain ng kasong frustrated murder sa Manila Prosecutors Office ang biktimang si Rowel Sisic Quizon, entertainer ng 1506 Sande Coral St., ng naturang lungsod laban kay Ramil Dela Cruz ng Luna St., Tondo, Maynila na patuloy pa ring pinaghahanap ng mga awtoridad.

Base sa reklamo ni Quizon, kasalukuyan umano siyang nakikipagkuwentuhan sa iba pang kalalakihan dakong alas- 2 ng madaling-araw kahapon sa tapat ng kanilang bahay ng bigla na lamang lumapit ang suspect.

Bigla umano siyang inundayan ng taga ng suspect subalit sinalag niya ito kung kaya’t ang kanyang hintuturo sa kaliwang kamay ang naputol.

Mabilis ring tumakbo ang biktima papalayo sa suspect subalit tinangka pa rin siyang habulin nito masuwerte na lamang at mabilis siyang nakalayo.

Hindi mabatid kung ano ang motibo sa pananaga ng suspect sa biktima, gayunman may hinala ang pulisya na napag-tripan lamang ng suspect si Quizon. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments