Vendor pinagtataga ng magpinsan

Isang 34-anyos na vendor ang nakaligtas sa tiyak na kamatayan ng magkunwari itong patay na nang pagtulungang tagain ng lasing na magpinsan kahapon ng umaga sa Marikina City.

Ang biktima na nagtamo ng anim na taga sa ulo at ibat-ibang bahagi ng katawan ay kasalukuyang ginagamot sa Amang Rodriguez Medical Center. Ito ay nakilalang si Joel Galicha, ng Pangilinan St., Concepcion Uno ng nabanggit na lungsod.

Samantala, pinaghahanap naman ng pulisya ang magpinsang suspect na sina Nestor Mendoza at Docoy Acero na kasama sa bahay ng biktima.

Ayon sa inisyal na ulat, naganap ang insidente dakong alas-6 ng umaga habang ang biktima ay natutulog sa inuupahan nilang bahay nang dumating ang lasing na magpinsan.

Bigla na lamang umanong pinagsusuntok ni Mendoza ang natutulog na biktima samantalang kumuha naman ng itak si Docoy at walang sabi-sabing pinagtataga ang nakahigang si Galicha.

Dahil sa paniwala ng biktima na tutuluyan siyang patayin ng magpinsan ay nagkunwari itong patay na kaya lamang siya tinigilan.

Epektibo naman ang ginawang pagkukunwari ng biktima dahil inakala ng mga suspect na totoong patay na siya kaya tumigil sa pananaga at saka mabilis na nagsitakas.

Nang makaalis na ang mga suspect ay nagpilit na bumangon ang biktima at humingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay na nagdala sa kanya sa pagamutan.

Hindi malinaw kung ano ang motibo ng ginawang pananaga sa biktima habang pinaghahanap naman ngayon ang magpinsang suspect. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments