Nakilala ang nadakip na si Ma. Concepcion Lauta, 38, may-asawa, at residente ng #115 Marcos Alvarez Avenue, Talos, Las Piñas City.
Nag-ugat ang pagkaaresto kay Lauta matapos na magreklamo ang isa niyang biktima na si Eufemia Mandap sa NBI.
Sa salaysay ni Mandap, napapayag siya ni Lauta noong nakaraang Hunyo 23 na mag-invest sa kanyang negosyo sa kikiam at squid balls kung saan pinangakuan siya ng 28% interes kada buwan.
Dahil sa paghahangad na kumita, napapayag si Mandap na maglagak ng P228,000 kung saan nag-isyu naman ng resibo, promissory notes at postdated checks para sa inisyal na interes.
Nakapagbigay pa naman umano ng interes niya ang suspect ngunit hindi na ito nakapagbigay sa mga huling buwan. Nang kanyang kontakin si Lauta, hiningan pa umano siya ng dagdag na P300,000 sanhi upang lumapit na sa NBI si Mandap.
Nakipagkasundo ang biktima sa suspect na magkikita sa isang restoran sa may Ermita, Maynila nitong nakaraang Disyembre 23 upang ibigay ang hinihingi nitong pera habang nakaabang ang mga ahente.
Nadakip si Lauta nang iniabot nito ang 14 na postdated na tseke na nagkakahalaga ng P690,000 at promissory note habang iniabot naman ni Mandap ang isang brown envelope na naglalaman ng marked money.
Sa beripikasyon ng NBI, nabatid na hindi nakatala sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang negosyo ni Lauta.
Dumagsa namang ang higit sa isang dosenang katao na nabiktima ni Lauta ng higit sa P3 milyon sa naturang pekeng negosyo nito.
Nakadetine ngayon sa NBI detention cell ang suspect at nahaharap sa kasong paglabag sa Securities Regulation Code at estafa. (Danilo Garcia)