NBI agent nabaril ang sarili

Napurnada ang pamamasyal ng isang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) kasama ang kanyang pamilya sa Star City sa CPP Complex sa Pasay City makaraang mabaril nito ang sarili habang idinedeposito ang kanyang service firearm sa guwardiyang nakatalaga sa nasabing amusement park.

Nakilala ang biktima na si Marvin De Jemil, 28, nakatalaga sa Field Operation Division ng NBI at naninirahan sa Montalban, Rizal. Nagtamo ito ng tama ng bala ng kanyang sariling baril sa kanang paa.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-11:45 ng gabi sa loob ng Star City Theme Park.

Napag-alaman na kasama ng biktima ang kanyang pamilya upang mamasyal sa Star City subalit bago tuluyang pumasok ay pinuntahan nito ang nakatalagang guwardiya sa gate upang ideposito ang kanyang service firearm. Hindi sinasadyang pumutok ito na naging dahilan upang tamaan ang kanyang kanang paa at mabilis na isinugod sa pagamutan. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments