2 Indian nationals sabit sa human smuggling,ipinatapon ng BI

Dalawang Indian nationals na umano’y utak ng isang human smuggling syndicate na nagpupuslit ng mga Bombay sa lalawigan ng Negros at karatig lalawigan sa Visayas Regions ang idineport kahapon ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay BI-NAIA head supervisor na si Ferdinand Sampol, ang mga deportees ay sina Baljit Singh at ang asawa nitong si Davinder Kaur. Ang dalawa ay naaresto ng mga kagawad ng Intelligence Unit sa kanilang tinitirhan sa Balbina St., Sta. Clara Executive Village, Madalagan, Bacolod City.

Isinakay ang mga suspect sa Thai Airways patungong New Delhi via Bangkok.

Nabatid na si Baljit at ang kanyang amang si Sukdev ay ininguso ng isang impormante na siyang nagpupuslit ng mga undocumented Indian nationals sa Bacolod, Negros at iba pang lalawigan sa Western Visayas.

Nabigo naman ang BI agents na madakip ang matandang Singh nang salakayin ang tinitirhan ng mag-asawa. Napag-alaman na nakabalik na ito sa India.

Bagamat may hawak na permamnent visa si Singh na legal sa ilalim ng Alien Social Integration Act, inaresto pa din siya dahil sa pagtatago sa kanyang live-in partner na isang undocumented alien. (Ulat ni Butch Quejada)

Show comments