Sabog sa apat na bala mula sa kalibre .45 ang ulo ng biktimang si Generoso Nierras, 42, negosyante, political leader ni Yambao at presidente ng Kapisanang Diwa ng Mahihirap habang nakaratay naman sa kasalukuyan sa Tondo Medical Center bunga ng isang tama ng bala sa kaliwang balikat ang kasama nitong si Marina Bergonio, 32, pawang residente ng Dulong Hernandez St., Brgy. Catmon ng nabanggit na lungsod.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya para sa pagkakakilanlan ng mga suspect at sa agarang ikadarakip ng mga ito.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-8:30 ng umaga nang maganap ang insidente habang papasakay na sana ang mga biktima sa kanilang sasakyan na isang owner-type jeep nang bigla silang lapitan ng isa sa mga suspect at agad na pinagbabaril sa ulo si Nierras ng apat na beses, habang ang dalawa namang suspect ay nagsilbing look-out.
Duguan at wala nang buhay na lumugmok sa manibela si Nierras habang tinamaan naman sa balikat si Bergonio ng bala na tumagos mula sa ulo ng una.
Matapos ang insidente ay parang walang anumang nangyari na sumakay sa isang owner-type jeep ang tatlong suspect at tumakas patungong Letre Road.
Nabatid na kagagaling lamang ng mga biktima sa isang shopping mall sa Kadima Plaza na matatagpuan sa Damata St. malapit sa Letre Road, Brgy. Tonsuya, Malabon City nang maganap ang insidente.
Napag-alamang matindi umano ang nagiging sigalot sa samahang pinanghahawakan ng biktima at marami ang nag-iinteres sa posisyon nito bukod pa sa awayan sa lupa at pagkakabit ng iligal na koneksyon ng kuryente.
Mariin namang kinondena ni acting Mayor Yambao ang naturang insidente at kaugnay nito, naglaan siya ng P10,000 reward para sa sinumang makapagtuturo sa mga suspect. (Ulat ni Rose Tamayo)