Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesman P/Sr. Supt. Joel Goltiao, ipinag-utos na ni PNP Chief Director General Hermogenes Ebdane Jr. na siyasatin ang umanoy illegal na aktibidad ni Pasay City Police Chief Sr. Supt. Oscar Catalan.
Nakatakda nang imbitahan ni Directorate for Investigation and Detective Management sa pamumuno ni P/Director Eduardo Matillano si Catalan para sagutin ang paratang laban sa kanya.
Sinabi ni Goltiao na nagpalabas na ng babala si Ebdane sa lahat ng hepe ng pulisya na mahaharap sila sa mga kasong administratibo sa sandaling madiskubreng nilalabag nila ang direktiba.
Napaulat na namahagi raw ng tig-iisang booklet ng raffle tickets si Catalan sa 10 himpilan ng Pasay City PNP. Bawat booklet ay nagkakahalaga raw ng P20,000.
Ang malilikom na pondo mula sa mga nabentang raffle tickets ay gagamitin umano sa Christmas party ng lahat ng Pasay City Police stations. (Ulat ni Joy Cantos)