5-anyos naatrasan ng truck,patay

Isang 5-anyos na batang lalaki ang nasawi matapos itong maatrasan ng isang truck, kahapon ng umaga sa Taguig.

Mula sa Muntinlupa Hospital, inilipat ang biktima na nakilalang si Jomar Omac, nakatira sa #30 panulukan ng Manggahan at Martinez Sts., Zone 4, Brgy. Signal Village ng bayang ito sa Jose Reyes Medical Center ngunit hindi na ito umabot pang buhay.

Sumuko naman sa pulisya ang suspect na nakilalang si Ronald Remucha, 29, binata, ng #26 Langka St., Zone 1, nabanggit na barangay.

Ayon sa imbestigasyon ni SPO3 Peter Cententa ng Taguig Traffic Enforcement Unit, naganap ang insidente dakong alas-10 ng umaga sa panulukan ng Manggahan at Martinez Sts. Zone 4, Brgy. Signal Village, Taguig.

Nabatid na wala ang mga magulang ng biktima at yaya lamang nito ang nagbabantay na nagluluto naman kaya’t hindi napansing nakalabas ng gate ang bata.

Ang suspect naman ay katatapos lamang maghatid ng buhangin dala ang truck na may plakang UGG-464. Hindi nito napansin ang biktima na nasa likod ng truck na naging dahilan upang maatrasan nito ang bata. Saka lamang nito nalaman na may tao nang umiyak. Dali-daling isinugod ng suspect ang biktima sa nabanggit na pagamutan ngunit hindi na umabot nang buhay. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments