Ayon kay PNP-AID-SOFT chief Deputy Director General Edgar Aglipay, dakong alas-9 ng gabi nitong Huwebes nang lusubin ng kanyang mga tauhan ang shabu laboratory na matatagpuan sa bodega ng Building 4 ng Saniware Compound sa 20 Evangelista St., Santolan, Pasig City.
Ang raid ay isinagawa sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Jose Hernandez ng Regional Trial Court, Branch 158 ng Pasig City.
Kahapon personal na iprinisinta ng mga opisyal ang nasamsam na mga kemikal at kagamitan sa paggawa ng shabu kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Binanggit ni Aglipay na ang nasamsam na mga kemikal ay kayang mag-produce ng may 750 hanggang 1,000 kilo ng shabu.
Napag-alaman pa na ang mga nasamsam na kagamitan ay pawang may mga Chinese markings.
Ayon pa sa ulat, ginagamit na front ng sindikato ang mga kagamitan sa bahay na inangkat pa mula sa China. Sa loob ng nasabing furniture umano posibleng inilalagay ang mga kemikal papasok sa bansa.
Nabatid na ang warehouse ay inuupahan nina Aileen Tan at Willy Gan at isa pang lalaking Intsik mula sa Citiland Inc., isang kilalang condominium at hotel developer.
Walang nahuling mga suspect sa sinalakay na shabu laboratory. (Ulat nina Joy Cantos at Edwin Balasa)