Tadtad ng saksak sa mukha at katawan nang matagpuan ang biktimang si Teresita Silverio.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-2 kahapon ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob mismo ng bahay ng biktima sa San Andres Bukid, Manila.
Ayon sa saksing si Alexander Sy, limang kalalakihan ang nakita nitong dumating sa bahay ng biktima kung saan tatlo sa mga ito ang pumasok sa bahay habang ang dalawa ay naiwan sa labas.
Ilang sandali pa ay narinig na nila ang pagsigaw at paghingi ng tulong ng biktima.
Tinangka umanong lumapit ng ilang kapitbahay subalit sinabihan sila ng dalawang bantay na huwag nang makialam kung ayaw madamay.
Nabatid na ang nasawi ay una nang naaresto ng pulisya dahil sa pagkakasangkot sa operasyon ng ilegal na droga. Matapos maaresto ikinanta nito ang isang drug lord na agad din namang nadakip ng mga awtoridad.
Binantaan umano ng drug lord ang biktima na papatayin sa oras na ito ay makalabas ng kulungan. Kasalukuyan namang nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang pulisya ukol sa insidente. (Ulat ni Danilo Garcia)