Sa ulat ng tanggapan ni National Disaster Coordinating Council (NDCC) Executive Director Ret. Major Gen. Melchor Rosales, kinilala ang mga nasawi na sina Danilo Orolfo, 36-anyos ng San Felipe, Naga City; Juniel Buising, 32 ng Guinobatan, Tabaco City; Lek-lek Budino at Leonisa Nemi, kapwa 11 anyos ; pawang namatay matapos makuryente.
Ang nasugatan ay nakilala namang si Santiago Budino, ng Camarines Norte.
Sinabi ni Rosales na bunga ng malakas na hangin ay nahagip ng live wire ang mga biktima mula sa lumaylay na mga kawad ng kuryente sa naturang mga lugar.
Kaugnay nito, sinabi ni Rosales na dumaranas ngayon ng power interruption ang mga probinsiya ng Biliran, Marinduque, Leyte at Eastern Samar matapos na itumba ng bagyong Weng ang mga poste ng kuryente sa mga lugar na patuloy na sinasalanta ng bagyo.
Umaabot naman sa halos 4,000 pasahero ang stranded at pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation centers na itinayo sa mga pantalan ng Sorsogon, Albay, Catanduanes, Samar, Batangas at Calapan, Oriental Mindoro makaraang pigilan ng mga opisyal ng Phil. Coast Guard (PCG) na makapaglayag ang mga sasakyang pandagat upang maiwasan ang sakuna bunga ng masungit na panahon.
Binalaan naman ng NDCC ang mga residente kung saan nakataas ang public storm warning signal number 2 na pansamantalang lumikas sa mga ligtas na lugar dahilan sa posibleng pananalasa ng flashfloods at landslides.
Inalerto naman ni Defense Secretary at NDCC Chairman Eduardo Ermita ang lahat ng mga opisyal at kawani ng Provincial Disaster Coordinating Council (PDCC) na tumulong sa mga residenteng naapektuhan ng kalamidad.
Habang namahagi na rin ng mga relief goods at mga pagkaing de lata sa mga evacuation centers na inilaan ng lokal na pamahalaan.
Sa kasalukuyan, patuloy na binabayo ng hagupit ( Signal No. 2) ni Weng ang ilang bahagi ng Luzon, Visayas partikular na ang bahagi ng katimugang Mindoro, Romblon, Masbate, Aklan, Capiz, Northern Iloilo at Northern Antique, gayundin ang ilang bahagi ng Visayas Region na kinabibilangan ng lalawigan ng Samar, Biliran Island, Northern Leyte, Northern Cebu, Northern Iloilo, Northern Antique, Capiz at Aklan. (Ulat ni Francis Elevado)