BSDO na umawat sa away, tinodas

Hindi akalain ng isang miyembro ng Barangay Security and Development Office (BSDO) na ang kanyang pag-awat sa away ang magiging dahilan ng kanyang kamatayan kahapon ng madaling araw sa Quezon City.

Dead on the spot ang biktima na nakilalang si Rey Gabiola, 37, ng 50 Kaunlaran St. Brgy. Commonwealth,Q.C. habang agad namang nasakote ang isa sa mga suspect na nakilalang si Jerry Ginebrado, 31, printer operator at residente ng 335 Katuparan St. ng nabanggit ding barangay.

Sa inisyal na ulat ni PO1 Melvin Nerida ng Central Police District-Criminal Investigation Unit (CPD-CIU), nagresponde at umawat ang biktima matapos na makatanggap ng tawag sa barangay hall na may mga nagwawalang kalalakihan dala ng sobrang kalasingan.

Bunga ng komosyon hindi nailagan ni Gabiola ang mga saksak ng isa sa mga nagwawala na si Ginebrado.

Sa kabila ng pagkakadakip sa suspect nagawa namang makatakas pa ng dalawa pa nitong kasamahan na ngayon ay pinaghahanap na ng pulisya. (Ulat ni Doris M. Franche)

Show comments