Nakilala ang mga nadakip na sina Arde Salariosa, 20; Emmanuel Lagrima, 21 at Catherine Cruz, 33.
Dinakip ang tatlo matapos na magreklamo si Flor Maldogo, 29, appraiser ng Family Pawnshop na nasa Paterno St., Quiapo.
Sa ulat ng pulisya, naaresto ang mga suspect dakong alas-5 ng hapon sa loob ng naturang sanglaan.
Nauna rito nagtungo ang tatlong suspect sa pawnshop kung saan nagpakilala si Cruz sa pangalang Maria Theresa Rapista kasama ang isa pang suspect na nagpakilalang si Mimi Co at nagsabing interesado sa pagbili ng mga alahas na naka-auction sale.
Umabot sa halagang P201,870 ang kabuuang halaga ng mga alahas na napili ng tatlo sa sanglaan at sinabing babayaran nila ito sa pamamagitan ng Bankard credit card ni Co.
Habang inaayos ni Maldogo ang mga dokumento, isang nagpakilalang empleyado ng Equitable PCI Bank ang dumating sa naturang sanglaan at sinabing may malaking credit line si Co kaya napapapayag ang sanglaan na i-release ang mga alahas.
Isang item ng mga alahas naman ang naiwan ng mga suspect kung saan itinawag ni Maldogo kay Co na nagsabing magpapadala na lamang siya ng mga tao roon para kunin ito.
Dito naman nadiskubre ng naturang sanglaan sa ginawa nilang beripikasyon na walang lamang pondo ang credit card ni Co kaya agad na humingi ng saklolo sa pulisya na siyang nagsagawa ng entrapment operation at nagresulta sa pagkakadakip sa tatlong suspect.
Isinasailalim ngayon ang mga suspect sa interogasyon upang maituro kung nasaan si Co habang inihahanda na ang pagsasampa ng kaso laban sa mga ito. (Ulat ni Danilo Garcia)