Welder napatay dahil sa basketball

Isang 21-anyos na welder ang agad na nasawi makaraang burdahan ito ng saksak sa ibat-ibang parte ng katawan ng isang umano’y adik sa ipinagbabawal na gamot makaraang talunin nito ang huli sa larong basketball, kahapon ng madaling-araw sa Malabon City.

Namatay noon din ang biktima na kinilalang si Fernando Trinidad, residente ng Paradise Village, Letre Road, Brgy. Tonsuya ng nabanggit na lungsod.

Base sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:05 nang mangyari ang insidente sa isang basketball court na matatagpuan sa nabanggit na lugar.

Bago umano nangyari ang insidente ay unang naglaro ng basketball ang biktima at ang suspect na kinilala lamang sa pangalan na Jay kasama ang ilan nilang mga barkada kung saan ay nagpustahan pa umano ang mga ito.

Sa kanilang paglalaro ay nagpakita ng kagalingan sa basketball ang biktima dahilan upang talunin nito ang grupo ng suspect na lubusan namang ikinairita ng huli kung saan ay bigla nitong nilapitan ang biktima at minura muna bago inundayan ng saksak sa ibat-ibang maseselang parte ng katawan sanhi upang bawian agad ito ng buhay.

Matapos ang isinagawang krimen ay agad na tumakas ang suspect dala ang ginamit na patalim habang ang biktima naman ay duguan at nangingisay na humandusay sa sahig. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments