Pahinante umiwas sa kagat ng aso, nagulungan ng truck

Isang 19-anyos na pahinante ang nasawi matapos itong magulungan ng sinasakyan nitong trailer truck dahil umiwas ito sa takot na makagat ng asong kalye kahapon ng madaling-araw sa Makati City.

Nasawi habang ginagamot sa Makati Medical Center ang biktima na nakilalang si Cristobal Briones, ng Mercury St., Samaka Subdivision, Fairview, Quezon City.

Sumuko naman ang driver ng truck na si Dionisio Delos Santos, 33, ng Block 12, Lot 33, Canstangigi St., Caloocan City.

Base sa imbestigasyon ni SPO1 Orlando de Leon, ng Makati Traffic Enforcement Bureau, naganap ang insidente dakong alas-12:55 kahapon ng madaling-araw sa kahabaan ng P. Binay, Barangay Pio del Pilar, Makati City.

Nabatid na nagdi-deliver ang biktima ng mga tsokolate sa nabanggit na lugar at pahinante sa truck na nakasagasa sa kanya.

Nabatid na habang nagmamaniobra ang naturang trailer truck na minamaneho ni Delos Santos, nasa likod naman ang biktimang si Briones.

Nilapitan umano ang biktima ng isang asong kalye at dahil sa takot na makagat siya nito ay umiwas at kumaripas ng nang pag-akyat sa naturang truck.

Gayunman, nawalan ito ng balanse kung kaya nahulog dahilan upang magulungan ito ng naturang truck.

Mabilis itong isinugod sa pagamutan subalit namatay din habang nilalapatan ito ng lunas. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments