67-anyos pinatay ng katulong

Isang 67-anyos na babae ang hinihinalang pinatay ng kanyang bagong katulong makaraang matagpuan itong wala ng buhay sa kanyang kama at limas na ang mga mamahaling alahas at pera na nakalagay sa loob ng bag kahapon ng umaga sa Pasig City.

Nakilala ang biktima na si Lydia Sampana, negosyante, residente ng 29 Sterly St., Bartville Subdivision, Barangay dela Paz ng lungsod. Nakita ito sa kanyang kama na wala nang buhay at may takip ng unan sa mukha.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspect na si Estrelina Rebecca de Libid, 43,tubong Cebu at huling nakatira sa 1180 Velasquez St., Tondo, Maynila. Nabatid na kinuha itong katulong noon lamang Setyembre 24 ng taong kasalukuyan.

Natuklasan ang krimen dakong alas-8:20 ng umaga sa loob ng kanyang kuwarto.

Napag-alaman na ang biktima at ang suspect lang ang nakatira sa bahay.

Pinaniniwalaang pinaslang ang biktima habang ito ay natutulog at saka kinulimbat ng suspect ang lahat ng pera at alahas nito. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments