Tensyon sa PUP: Guro binuhusan ng pintura

Nababalot ngayon ng tensyon ang ika-99 taong anibersaryo ng pinakamalaking unibersidad sa Asya matapos na sumiklab ang kaguluhan nang tuluyang bastusin ng mga aktibistang estudyante ang mga guro na ang ilan ay binuhusan ng mga ito ng pintura sa buong katawan.

Nakapaligid ngayon sa campus ground ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang mga riot police ng WPD-Civil Disturbance Management Unit sa selebrasyon ng anibersaryo nito.

Ang PUP ang itinuturing na pinakamalaking unibersidad sa Asya sa populasyon dahil sa pagtataglay nito ng kabuuang 53,000 na estudyante sa buong bansa.

Sinabi ni Dr. Moises Garcia, Vice-President for Student Services na ilang mga mag-aaral na buhat sa partidong SAMASA na tumatakbo sa Student Council ng unibersidad ang dinampot ng mga awtoridad upang sampahan ng kaukulang kaso.

Ito’y matapos na buhusan ng mga ito ng pintura sa buong katawan si Bernardo Tolentino, campus commander ng PUP kamakalawa habang nagpipintura ito ng mga pader para sa anibersaryo habang nagsasagawa naman ng programa sa loob ng campus ang kanilang mga kasamahan.

Pinipinturahan ng mga guro at ilang estudyante ang pader ng unibersidad upang tanggalin ang mga nakasulat dito nang salakayin sila ng mga aktibista at agawin ang mga gamit nila sa pagpipintura bago ibinuhos ang isang lata ng puting pintura kay Tolentino. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments