Ayon kay Pedro Dalaguit, ang laban niya ngayong gabi ay maituturing niyang pinakamalaking laban sa kanyang buhay dahil gagawin niya ito para sa isang mahal sa buhay.
Ang boxing ay isang full-contact tournament na tinaguriang Ultimate Fight.
Sinabi ni Pedro na butot balat na ang kanyang kapatid na si Bonifacio Dalaguit dahil sa sakit na tuberculosis at stomach ulcer at wala na silang makunan ng salapi upang matustusan ang mga pangangailangan nito.
Sinabi pa nito na dati na rin siyang sumasabak sa boxing at umaasa siyang makakakuha siya ng pera ngayong gabi sa kanyang laban para ibigay sa kapatid.
Umaabot sa P3,000 hanggang P4,000 ang arawang gastusin ni Bonifacio maliban pa ang gastusin ng kanyang asawa at limang anak.
"Tricycle driver lang ang kapatid ko. Walang-wala rin. Hindi ko puwedeng iwanan ang pamilya niya habang ganyan siya," ani Dalaguit.
Sinabihan na rin umano ng mga doktor sa QI na ilabas na lamang nila si Bonifacio pero hindi pumayag si Pedro.
"Alam ko, mamamatay siya pag inalis ang oxygen. Butot balat na lang ang kapatid ko, hindi niya kakayanin," pahayag pa ni Pedro. (Ulat ni Malou Rongalerios)