9 na pulis ipatatawag dahil sa bote ng alak

Ipatatawag ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief Deputy Director General Reynaldo Velasco ang siyam na pulis na may pangalan sa alak na nakita sa loob ng isang KV bar noong Lunes ng gabi sa Quezon City.

Ayon kay Velasco, kailangan na ipaliwanag ng mga pulis ang kanilang dahilan sa pagtungo sa nasabing establisimento at kung bakit nakalagay sa bote ng may tirang alak ang kanilang mga pangalan.

Sinabi ni Velasco na hindi maganda para sa isang pulis lalo pa’t sa isang opisyal ang nagtutungo sa mga videoke bar dahil nakakapagpababa ito ng moralidad sa pamahalaan.

Ilan sa mga alak na nakita mismo ni PNP chief Director General Hermogenes Ebdane ay nakapangalan kina Chief Insp. Candido Ruiz ng TMG; Sr. Insp. Rodolfo Sosa ng NCRPO-Special Action Force; Col. Ferdinand Vero; Chief Insp. Samson; Sr. Insp. Reyes; Capt. Popoy; Capt. Taniel; Sgt. Divina at Sgt. Jun Caballes.

Kukuwestiyunin din ni Velasco ang negosyo ng siyam na pulis dahil hindi umano kaya ng kanilang suweldo ang pagbabayad sa kanilang makukunsumo sa loob ng mga eksklusibong bar tulad ng Mystique at Classmate na sinalakay ng pulisya.

Gayunman, aminado si Velasco na hindi sapat na batayan ang mga pangalan na nakita sa alak dahil posibleng ginagamit na lamang ito ng ibang sektor upang gawing impluwensiya. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments