Ito naman ang nabatid mula kay PNP-Deputy Directorate for Police Community Relations Director Ricardo de Leon kung kaya t inutos na rin ni PNP chief Director General Hermogenes Ebdane ang imbestigasyon hinggil dito.
Ayon kay de Leon, nais alamin ng pulisya kung simpleng kaso lamang ng pagdukot ang nangyari kay Maureen Pizzaro na inulat na dinukot noong Setyembre 7 habang naglalakad sa underpass ng Quiapo.
Inaalam din ng pulisya kung ang ginawang pagdukot ng sindikato sa mga babaeng mestisa at magaganda ay upang isama sa grupo ng white slavery o gawing prostitute.
Subalit ayon naman kay WPD chief Pedro Bulaong, walang katotohanan na mayroong dinukot na 12 kababaihan sa Maynila at hawak na ng white slavery.
Sa kasalukuyan, tanging si Pizzaro lamang ang positibong dinukot ng mga armadong kalalakihan sa Quiapo subalit hindi pa rin malinaw na kaso ito ng kidnapping dahil wala namang natatanggap na anumang ransom demand ang pamilya ng biktima.
Lumilitaw na sa 41 kaso ng missing person ang naitala ng WPD ay 21 dito ay pawang mga kababaihan. (Ulat nina Joy Cantos at Gemma Amargo)