Ito ang binigyang-diin kahapon ni PNP Chief Dir. Hermogenes Ebdane Jr. matapos na maunang ipagbawal ni Pangulong Arroyo ang pagtatambay ng mga opisyal at miyembro ng pulisya sa mga KTV bar, beerhouses at iba pa.
Ang paghihigpit ay ipinalabas ni Ebdane kasunod ng isinagawa nitong raid at ng kanyang mga tauhan sa Classmate at Mystique sa Quezon Avenue, Quezon City kamakalawa ng gabi.
Kaugnay nito, siyam na opisyal ng pulisya ang nakatakdang isailalim sa imbestigasyon makaraang madiskubre mismo ni Ebdane ang lagda ng mga ito sa mga di-naubos na bote ng alak sa ni-raid na dalawang eksklusibong KTV bar sa Quezon City.
Ang sorpresang raid ay isinagawa ni Ebdane upang hulihin sa akto ang mga opisyal at tauhan ng pulisya na nagbababad sa mga nightspots.
Gayunman, nabigo si Ebdane na mahuli sa akto ang mga pulis at sa halip bumungad sa mga ito ang mga naka-display na mamahaling alak na may lagda ng mga pulis.
Pinaniniwalaan namang mabilis na nakapuslit ang ilang mga police officials matapos na matunugan ang isasagawang surprise visit ng PNP Chief.
Nabatid na dalawa sa mga kinilalang nakapirma sa mga bote ng alak ay sina P/Sr. Insp. Rodolfo Sosa ng Regional Special Action Force ng NCRPO sa Bicutan, Taguig at P/Chief Insp. Candido Ruiz ng Traffic Enforcement Group.
Kabilang pa rito sina Col. Ferdinand Vero; P/Chief Insp. Samson; P/Sr. Insp. Reyes; Capt. Popoy; Capt. Tanel; Sgt. Divina at Sgt. Jun Caballes.
Ipinag-utos naman ni Ebdane ang agarang pagtukoy sa iba pang mga pulis upang mapatawan ang mga ito ng kaukulang parusa.
Sinabi ni Ebdane na matagal nang patakaran ng PNP ang mahigpit na pagbabawal sa mga miyembro nito na magbabad sa mga KTV joints, videoke bars at clubs kung kayat iniutos niya ang inspeksyon sa mga nasabing establisimyento. (Ulat ni Joy Cantos)