Taong grasa, 1 pa hulog sa overpass,dedo

Isang hindi pa nakikilalang taong grasa na may diprensiya sa pag-iisip ang napilitang tumalon buhat sa overpass sa Cubao makaraang habulin ng taumbayan matapos naman nitong ihulog sa naturan ding overpass ang isang napagtripan niyang barker.

Ang nasawing taong grasa ay tinatayang nasa gulang na 20-25, mahaba ang buhok at nakasuot lamang ng maong na pantalon, samantalang ang kanyang inihulog sa overpass na nasawi rin ay nakilalang si Isidro Quiambao, isang barker.

Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Rodridgo Barrameda ng CPD-CIU, naganap ang insidente dakong alas-2:45 ng madaling-araw sa overpass sa Cubao.

Kasalukuyang natutulog umano sa overpass ang nasawing si Quiambao nang bigla itong buhatin ng taong grasa at saka inihulog mula sa itaas. Bumagsak ito at sumabog ang ulo.

Dahil sa insidente, hinabol naman ng ilang taumbayang nakasaksi sa pangyayari ang taong grasa kasabay ng pagpukol dito ng bato.

At dahil sa malapit nang masukol ay napilitan ang taong grasa na tumalon na rin sa overpass.

Matapos lumagapak sa baba ay nakaladkad pa ito ng isang kotse na ang driver ay mabilis namang tumakas. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments