Ayon kay Chief Supt. Rowland Albano, itinayo nila ang steel railing at barbed wires sa paligid ng EDSA Shrine dakong 9:30 ng gabi kamakalawa matapos silang makatanggap ng ulat na daragsa rito ang mahigit sa 10,000 miyembro ng Peoples Movement Against Poverty (PMAP) kahapon.
Wala namang namataang grupo ng PMAP na nagmartsa sa EDSA Shrine subalit sinabi ni Albano na posibleng hindi na nila ito itinuloy dahil naunahan nila ang mga ito.
Agad na ipinag-utos ni Chief Supt. Roland Sacramento, director ng Eastern Police District ang pagpapakalat ng may 350 police crowd disturbance management operatives sa Shrine matapos na sabihin sa kanya ng kanyang mga opisyal ang natanggap nilang intelligence report.
Batay sa intelligence report, muling magtitipun-tipon ang mga miyembro ng PMAP sa Shrine gaya ng ginawa ng mga ito noong May 1, 2001 bago sila lumusob sa Malacañang.
Isasabay umano sana ang rally ng PMAP sa muling paglusob ng mga nagrebeldeng sundalo na mga nalalabing miyembro ng Magdalo group na siyang pumasok sa Oakwood Premier Hotel sa Makati noong Hulyo 27. (Ulat nina Edwin Balasa at Doris Franche)