Bebot natagpuang patay sa motel

Isang malamig na bangkay ng 18-anyos na babae ang nadiskubre ng mga empleyado ng isang motel na hinihinalang pinaslang ng lalaking katalik nito, kahapon ng tanghali sa lungsod ng Maynila.

Nakilala ang biktima sa natagpuang bio-data sa bag nito na si Avelyn Sumalka, tubong Ecolan, Davao City at pansamantalang naninirahan sa 2nd Avenue, Grace Park, Caloocan City.

Sa ulat ng WPD-Homicide Division, natagpuan ang bangkay ng biktima dakong alas-11:45 ng tanghali sa loob ng Omico Lodging Inn sa Rizal Avenue, Sta. Cruz.

Nabatid na nag-check-in umano sa naturang motel ang biktima kasama ang isang hindi nakilalang lalaki sa Room A-5 sa unang palapag ng gusali dakong alas-11:30 ng tanghali.

Nakarinig umano ng ingay ang roomboy na si Alvin Ballestra sa loob ng naturang kuwarto at nang kanyang buksan ang pinto ay nadiskubre ang bangkay ni Sumalka.

Nakasuot pa ng puting polo shirt, nakatakip ng unan sa mukha at walang panty nang makita ito.

Sinabi naman ni Ballestra na hindi na niya nakita ang kasama nitong lalaki na umalis sa naturang motel.

Sinabi ng mga imbestigador na pinatay sa pamamagitan ng pagsakal ang biktima dahil sa marka na nakita sa leeg nito.

Posible umanong tumanggi na makipagtalik ang biktima sa suspek na nagpumilit at nang mainis ay pinaslang na lamang ang biktima. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments