Misis ginilitan ng lover na adik

Tinadtad ng saksak sa katawan at saka nilaslas ang leeg ng isang 36-anyos na ginang ng adik niyang live-in-partner makaraang hindi bigyan ng pera ng una ang huli, kamakalawa ng gabi sa Makati City.

Patay na nang idating sa Ospital ng Maynila ang biktimang ginang na si Emma delos Santos, vendor ng Kalayaan Avenue, Barangay Cembo ng nabanggit na lungsod.

Nakilala naman ang suspect na si Alexander Lamson Sr., 43, ng nabanggit ding lugar.

Ayon sa isinagawang imbestigasyon ni Lewelie Cristobal ng Homicide Section ng Makati City Police, naganap ang insidente dakong alas-9:15 ng gabi kamakalawa sa loob ng bahay ng mag-live-in sa nabanggit na lugar.

Napag-alaman na humihingi ng pera ang suspect sa biktima, ngunit hindi ito binigyan dahil sa ipambibili lamang ng shabu.

Nauwi ito sa mainitang pagtatalo hanggang sa biglang kumuha ng kutsilyo ang suspect at saka pinagsasaksak ang ginang. Hindi pa ito nasiyahan at nilaslas pa ang leeg ng kanyang kinakasama.

Nang makita ng suspect na humandusay na ang biktima ay mabilis itong tumakas.

Kahapon ay lumutang ang suspect sa himpilan ng pulisya at isinuko ang sarili.

Malaki ang paniwala ng pulisya na nahimasmasan na ito bunga ng tama ng droga. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments